Programa para sa usapin ng teenage pregnancy at family planning, mas lalo pang pinalalakas ng Manila LGU

Iba’t ibang programa ang pinalalakas ngayon ng lokal na pamahalaan ng Maynila para sa usapin ng “teenage pregnancies” at “family planning.”

Ayon kay Dr. Arnold Pangan, head ng Manila Health Department, mahalaga na matutukan ang mga nabanggit na isyu upang mas makakuha ng nararapat na impormasyon at serbisyo ang mga residente habang sinusubukan tugunan ang mga suliranin.

Ayon kay Pangan, kabilang sa mga programa ng Manila LGU ay ang “Wag Maging BIBA o Batang Ina o Batang Ama”.


Ito ay para sa usapin ng teenage pregnancies o maagang pagbubuntis sa hanay ng mga kabataan sa Maynila, gaya ng mga nasa pampublikong paaralan sa sekondarya.

Sinabi pa ni Pangan na noong 2022, nasa 67 ang naitalaga nilang teenage pregnancies sa Maynila.

Bukod dito, inihayag pa ni Pangan na mayroon din silang ikakasang programa na tinatawag nilang “Bata, Bata, Planado ka Ginawa.”

Dito ay paiigtingin pa nila ang mga hakbang para sa family planning para sa mga Manileño.

Sa mga darating naman na araw ay inaasahang ibabahagi ng Manila Health Department ang detalye ng mga programa.

Facebook Comments