Bago matapos ang taong 2023 ay tinalakay ng programang Nutrisyon mo, Sagot ko ng National Nutrition Council ang tamang food storage at food safety.
Sa episode 22 ng programa ay binigyang diin ang kahalagahan ng tamang paghahanda ng pagkain upang maging ligtas sa mga consumer, batay na rin sa ilalim ng Republic Act 10611 o ang Food Safety Act of the Philippines.
Binigyang diin ng guest expert na si Dr. Maria Leonora Francisco, professor ng Department of Food Science and Nutrition, College of Home Economics, University of the Philippines-Diliman na importante ang maayos na paghahanda ng pagkain dahil ang ligtas na pagkain ay nagbibigay ng angkop na nutrisyon sa malusog na katawan.
Ayon kay Dr. Francisco, mapabahay man o mga establisyemento ay kailangan na masiguro at mapangalagaan ang mga pagkain mula sa kontaminasyon sa buong proseso na paghahanda.
Giit nito, kapag nakompromiso ang food safety ay maaaring mapahamak ang mga taong makakain nito na maaaring magdulot ng foodborne illness o food poisoning.
Batay sa World Health Organization, mahigit 200 diseases ang makukuha kapag hindi ligtas ang ating kinakain.
May tatlong indikasyon aniya na maaaring makita sa pagkain kapag hindi na maayos ang paghahanda o nakontaminado. Ito ay ang biological, chemical at physical hazards na posibleng magbigay ng masamang epekto sa kalusugan.
Kaya nagbigay ng tips si Dr. Francisco sa publiko hinggil sa ligtas na pamamaraan sa paghahanda ng pagkain.
Una ay ang kalinisan; tiyakin na nahugasang mabuti ng ingredients na gagamitin sa pagluluto, mga kagamitan, at sa taong maghahanda nito.
Pangalawa ay ang separator; importante na hindi magkaroon ng hawaan sa pagkain kaya dapat ihiwalay ang pagkaing hilay sa luto at ang mga pagkaing iimbakin.
Pangatlo ay tiyakin na luto ang mga pagkain; particular ang mga karne, seafoods at itlog. Maiinam na gumamit ng food thermometer upang matiyak na luto ang pagkain na ihahanda.
Pang-apat ay ilagay ang mga pagkain sa tamang temperatura; kung ang pagkain ay isini-serve na mainit ay dapat itong panatilihing mainit at kung ang pagkain ay kinakain na malamig ay dapat itong panatilihing malamig.
At ang panglima ay paggamit ng malinis na tubig at raw materials.
Paalala ng food expert, kung naiwan ang tirang pagkain sa room temperature ng mahigit dalawang oras ay delikado na itong kainin dahil posibleng kontaminado na ito.