PROGRAMANG PHP20 KADA KILO NG BIGAS, DADALHIN SA MGA LIBLIB NA BARANGAY SA LINGAYEN

Balak ng pamahalaang bayan ng Lingayen na dalhin ang programang PHP20 kada kilo ng bigas sa mga liblib na barangay ng bayan.

Ayon kay Lingayen Municipal Agriculturist Rodolfo dela Cruz, layunin nitong mapagaan ang gastusin ng mga residente, lalo na sa pamasahe, sa pagkuha ng murang bigas.

Sa ngayon, isinasagawa pa ang konsultasyon para sa pag-apruba ng pagpapalawak nito.

Katatapos lamang ng ikatlong bugso ng programang “Benteng Bigas, Meron Na!” sa Barangay Poblacion, kung saan 100 sako ng bigas ang ipinamahagi sa mga benepisyaryo mula sa vulnerable sektor tulad ng senior citizens, PWDs, solo parents, at 4Ps members.

Umabot naman na sa halos 3,000 katao ang nakinabang sa programa. Ayon sa MSWDO, kailangang magpakita ng valid ID bilang patunay ng pagiging kwalipikadong benepisyaryo bago makabili ng 20 pesos na bigas.

Patuloy namang humihiling ng karagdagang alokasyon ng bigas ang lokal na pamahalaan para mapanatili ang programang bahagi ng Kadiwa ng Pangulo. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments