Aarangkada na sa Martes, July 26 ang programa ng Department of Health (DOH) na “PinasLakas”.
Ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na palakasin ang bakunahan sa bansa upang mahikayat ang publiko na mas maging protektado laban sa COVID-19.
Ayon kay DOH Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire, layon ng “PinasLakas” na sa loob ng unang 100 araw ng administrasyong Marcos ay mabakunahan na ang 90% na target na senior citizen o nasa A2 category at maturukan ng booster dose ang 50% na target population.
Katuwang ng DOH sa nasabing programa si Pangulong Marcos Jr., at mga local government unit (LGU).
Dagdag pa ni Vergeire, nais din ng DOH na mapadali sa publiko ang pagpapabakuna kaya dadalhin ito sa mga palengke, malls at iba pang pampublikong lugar.