Humirit si Senate Minority Leader Koko Pimentel na sana ay tinapyasan pa ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. ang programmed at unprogrammed appropriations sa taong 2025.
Ito’y matapos lagdaan ni Pangulong Marcos ang 2025 national budget na ibinaba sa ₱6.326 trillion mula sa orihinal na budget proposal na ₱6.352 trillion kung saan aabot naman sa P194 billion na line items ang na-veto ng presidente.
Ayon kay Pimentel, umasa siyang mas malaki sana ang tinapyas sa programmed appropriations para higit pang mabigyan ng pinakamataas na budget priority ang education sector.
Kung titingnan kasi ay halos hindi nagkakalayo ang pondo ng edukasyon na nasa P1.055 trillion sa budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa susunod na taon na nasa P1.007 trillion.
Mas gusto rin ng mambabatas na binawasan pa ng mas malaki ang unprogrammed appropriations para maibalik ito sa level na naunang ipinanukala sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP).
Sa ₱194 billion na na-veto ng pangulo, mahigit P26 billion dito ay mga proyekto ng DPWH habang mahigit ₱168 billion dito ay mula naman sa unprogrammed funds.