Progreso sa clearing operations sa mga lugar na apektado ng oil spill matapos lumubog ang MT Princess Empress, umabot na sa 60 porsyento

Nakaabot na sa 60 porsyento ang progreso sa ginagawang clearing operations sa mga lugar na naapektuhan ng oil spill dahil sa paglubog ng MT Princess Empress sa may bahagi ng Oriental Mindoro kamakailan.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Coastguard Vice Admiral Rolando Punzalan Jr., Deputy Commander for Operations ng Philippine Coast Guard (PCG) na ito ay magandang progreso at inaasahang mas magiging mabilis pagtatanggal ng mga tumagas na langis sa mga apektadong coastlines dahil sa tulong ng coast guard at navy ng ibang mga bansa.

Sinabi ni Punzalan Jr., tumutulong na ngayon ang team mula sa Japan Coastguard, US Coastguard, Korean Coast Guard at mga eksperto mula sa France kasama pa ang team mula sa US Navy.


Ang inisyal na tulong aniyang ibinigay ng mga ito ay ang kanilang expertise at experience at ang pag-evaluate ng procedures ng Coast Guard.

Sa ngayon, hindi pa matiyak ni Punzalan kung hanggang kelan ang itatagal ng clearing operations sa mga apektado ng oil spill.

Mahirap aniyang matantya sa kasalukuyan ang tagal ng clearing operations kaya mahalaga ang puspusan pagtatrabaho ng Coast Guard at iba pang ahensya ng gobyerno katuwang ang mga residente.

Facebook Comments