Isinasapinal na ng House Quad Committee ang partial report nito kaugnay sa imbestigasyon sa iligal na droga at koneksyon nito sa iligal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) at extrajudicial killings sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon sa overall chairperson ng Komite na si Rep. Robert Ace Barbers ng Surigao del Norte, ang partial report ay tatawagin nilang “progress report” dahil magpapatuloy pa ang imbestigasyon kahit na matapos ang Christmas break.
Sabi ni Barbers, target ng House Quad Comm na ipresenta sa plenaryo ng Kamara ang progress report bago Christmas recess ng Kongreso na magsisimula sa Disyembre 21.
Binanggit ni Barbers na isusumite ng Quad Comm ang “progress report” upang maaksyunan na ang ilan sa mga panukalang batas na kanilang inihain na bunga ng kanilang isinasagawang 12 pagdinig.