Pinayagan ng Department of Education (DepEd) ang mas maraming pang pampubliko at pribadong paaralan sa bansa na magsagawa ng limited in-person classes sa mga lugar na nasa ilalim ng Alerts Level 1 at 2.
Ayon kay DepEd Secretary Leonor Briones, pinahintulutan niya ang lahat ng regional directors na simulant ang expansion phase ng face-to-face classes para sa mga pampubliko at pribadong paaralan.
Ang expansion phase ay ang pangalawa sa three-part plan ng DepEd para muling buksan ang mga paaralan matapos ang halos dalawang taong pagsasara dahil sa pandemya ng COVID-19.
Ang unang yugto na nilahukan ng halos 300 paaralan ay naganap noong Nobyembre hanggang Disyembre 2021.
Iginiit naman ng DepEd na dapat sumunod ang mga paaralan sa kanilang School Safety Assessment Tool (SSAT) bago ito makapagdaos ng limitadong in-person classes.