*Cauayan City, Isabela-* Inilunsad na ngayong araw ang ‘Project GAMBOA’ na binuo ng Cauayan City Police Station katuwang ang lokal na pamahalaan ng Cauayan na layong makatulong sa mga bata.
Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay P/Lt.Col. Gerald Gamboa, Hepe ng PNP Cauayan, ang proyektong ‘Gabay at Aruga sa mga Batang Nangangailangan ng Oras at Atensyon’ o Project GAMBOA ay isinagawa sa Brgy. Maligaya, Cauayan City, Isabela na may 500 benipisyaryong inaasahan.
Aniya, mula sa sampung barangay sa Lungsod ng Cauayan ay may 50 malnourished na bata ang naitala mula sa edad 0-5 taong gulang.
Sa ilalim ng proyektong ito ay magkakaroon ng feeding program para sa mga benipisyaryong bata at bibigyan rin ng scholarship program hanggang sa makapagtapos sa kolehiyo.
Ayon pa kay P/LtCol. Gamboa, target ng kanilang tanggapan na maiwasan ang paglobo ng mga batang malnourished at matulungan ang mga ito sa pagkakaroon ng magandang edukasyon.
Inaasahan naman na magpapatuloy pa ng maraming taon ang nasabing proyekto.