Sa patuloy na pagbabago ng panahon, nagiging mas mahalaga ang pagpapalawak ng kaalaman ng mga magulang, lalo na ng mga ina, sa aspeto ng nutrisyon at karapatan.
Isang patunay dito ang Project Linang Plus, na nagsagawa ng makabuluhang aktibidad sa Brgy. Bani, Bayambang, Pangasinan. Sa pagtitipong ito, nagkasama-sama ang mga kababaihan at kalalakihan upang pag-usapan ang mahalagang papel ng mga ina sa pangangalaga ng tahanan, paghubog ng mga anak, at pagpapaunlad ng komunidad.
Pinangunahan ng Pangasinan State University Bayambang – Early Childhood Department ang naturang aktibidad, kung saan itinampok ang mga aralin tungkol sa tamang nutrisyon para sa mga bata. Sa pamamagitan ng mga sample menu leaflets, itinuro sa mga magulang ang kahalagahan ng balanseng pagkain para sa mga batang may edad lima pababa. Binibigyang-diin ng programa na ang sapat na nutrisyon sa murang edad ay pundasyon sa maayos na pisikal at mental na paglaki ng bata, na makatutulong sa kanilang pagganap sa pag-aaral.
Kasabay ng pagdiriwang ng Women’s Month, isinama rin sa programa ang mga diskusyon tungkol sa mga karapatan ng kababaihan. Tinalakay ang papel ng mga ina sa pangangalaga hindi lamang sa kanilang pamilya kundi pati na rin sa kanilang sarili, kabilang ang pag-aalaga sa kalusugang pisikal at mental. Binigyang-pansin din ang papel ng kababaihan bilang pangunahing tagapaghubog ng mga pagpapahalaga sa loob ng tahanan at kanilang mahalagang kontribusyon sa komunidad.
Sa pamamagitan ng Project Linang, naipapakita na ang edukasyon at kamalayan sa nutrisyon at karapatan ay hindi lamang para sa mga bata kundi maging sa mga magulang na siyang pangunahing gabay sa kanilang paglaki. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨