Project NOAH, gagamiting gabay sa pagpapatupad ng Oplan Kontra Baha—PBBM

Gagawing gabay ng pamahalaan ang mga pag-aaral ng Project NOAH (Nationwide Operational Assessment of Hazards) sa pagpapatupad ng Oplan Kontra Baha sa ilang lugar sa bansa.

Ang Project NOAH, ay inilunsad noong 2012, na layong pag-aralan ang flood control at hazard mapping sa buong bansa gamit ang makabagong teknolohiya at real-time monitoring systems.

Ayon kay Pangulong Marcos, mula sa datos ng proyektong ito, nakabuo ang pamahalaan ng konkretong plano para sa mas epektibong paglilinis, pagpapalalim, at rehabilitasyon ng mga daluyan ng tubig.

Hindi lamang Metro Manila ang sakop ng proyekto kundi pati na rin ang mga lugar na madalas bahain gaya ng Cebu, Bacolod, Roxas City, Bulacan, Pampanga, Cavite, Laguna, Pangasinan, Cotabato, Davao, at Cagayan de Oro.

Dagdag pa ng Pangulo, malinaw sa flood hazard maps kung aling mga pumping stations ang dapat unahing ayusin upang mas epektibong maibsan ang pag-apaw ng tubig.

Dahil dito, kumpiyansa aniya siyang malaki ang mababawas sa mga pagbaha sa bansa sa sandaling makumpuni at mapalakas ang operasyon ng mga pumping stations sa mga lugar sa bansa na madalas bahain.

Facebook Comments