PROJECT R.E.A.D.Y, PATULOY NA INILULUNSAD SA MGA PAARALAN SA SAN CARLOS CITY

Ipinagpatuloy ng San Carlos City Police Station ang kanilang adbokasiya laban sa illegal na droga sa pamamagitan ng Project R.E.A.D.Y. (Resistance Education Against Drugs for the Youth) matapos magsagawa ng isang makabuluhang lecture sa mga mag-aaral.

Dumalo sa nasabing aktibidad ang mga Grade 6 pupils ng Mestizo Norte Elementary School sa Barangay Mestizo Norte, San Carlos City, na aktibong nakibahagi sa mga diskusyon at interactive activities na layong tulungan silang harapin ang peer pressure at matutunang manindigan laban sa anumang anyo ng paggamit ng ipinagbabawal na gamot.

Ayon sa San Carlos City Police Station, ang proyektong ito ay bahagi ng patuloy na kampanya ng Philippine National Police upang turuan, gabayan, at bigyang-lakas ang kabataan sa paggawa ng tamang desisyon at pag-iwas sa masasamang bisyo.

Nananatili umanong mahalaga ang maagang interbensyon upang mabigyan ng tamang kaalaman ang mga kabataan bago pa man sila mailagay sa sitwasyong may kinalaman sa droga.

Patuloy na maglulunsad ng mga katulad na programa ang PNP bilang bahagi ng kanilang pangako na protektahan ang kabataan at palakasin ang ugnayan sa komunidad. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments