Manila, Philippines – Nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang proclamation 360 na nagdedeklara ng terminasyon ng peace talks sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, inatasan na ng pangulo ang Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) at ang panel for peace talks ng pamahalaan na kanselahin na ang lahat ng mga nakatakdang pakikipagpulong sa NDF-CPP-NPA.
Giit ni Roque, ginawa na ng pamahalaan ang lahat para sa pagsusulong ng kapayapaan pero patuloy pa rin sila sa panggugulo at paggawa ng karahasan.
Samantala, isinisi naman ng NDF kay Pangulong Duterte ang kabiguang talakayin ang social and economic reforms.
Ayon kay Fidel Agcaoili, Chairman ng NDFP peace panel, bago pa ang kanselasyon ay may binalangkas nang mga dokumento sa Agrarian Reform and Rural Development, at National Industrialization and Economic Development.