Malaki ang tiyansang maiproklama na sina presumptive President Bongbong Marcos at presumptive Vice President Sarah Duterte – Carpio sa araw ng Huwebes.
Ito ay matapos mapagkasunduan ng dalawang Kapulungan ng Kongreso na wala nang tulugan at dire-diretso na ang isasagawang canvassing simula bukas.
Ayon kay House Secretary General Mark Llandro Mendoza, posibleng sa Miyerkules ay matapos na nila ang canvassing at sa Huwebes ng umaga ay maiproklama na ang mga bagong presidente at bise presidente ng bansa.
Bukod sa mabilis ang proseso ng canvassing dahil electronic na ang sistema ay may ka-alternate o kapalitan ang mga mambabatas na miyembro ng panel ng National Board of Canvassers o NBOC-Congress na susuri at magtutugma sa mga election returns sa balota at mga electronically transmitted na boto.
Bukas ng alas-10:00 ng umaga ay magko-convene ang Kamara at Senado sa isang joint session saka itatalaga ang mga miyembro ng komite na uupong NBOC.
Magpapatuloy rin ang sesyon ganap na alas-2:00 ng hapon na hudyat na ng pagsisimula ng canvassing.
Aabot naman sa 173 certificate of canvass o COCs ang bibilangin ng mga mambabatas.