Hindi pa inaprubahan ng Commission on Appointments o CA ang nominasyon ni Armed Forces of the Philippines Chief of Staff Lt. Gen. Cirilito Sobejana sa rangong heneral.
Bunga ito ng pagkwestyon ni Senator Panfilo “Ping” Lacson sa designation ni Lt. General Jose Faustino Jr. bilang Acting Commanding General ng Philippine Army.
Giit ni Lacson, hindi kwalipikado si Faustino dito dahil magreretiro na ito sa Nobyembre at sa batas ay bawal ng mamuno sa major service command ng AFP kapag kulang na sa isang taon ang natitira sa active service.
Ayon kay Lacson, dapat muna itong resolbahn ni Sobejana bago siya palusutin sa CA.
Samantala sa CA hearing ay nausisa rin si Sobejana ukol sa pagiging tagapagsalita ni Lt. Gen. Antonio Parlade ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict o NTF-ELCAC.
Giit ni Lacson, hindi pwedeng sabihin ni Sobejana na sinusuportahan ng AFP ang mga sinasabi ni Parlade bilang NTF-ELCAC spokesperson dahil hindi naman militar ang kinakatawan niya dito.
Paliwanag naman ni Sobejana, hindi ‘purely civilian entity’ ang NTF-ELCAC at ang chairman nito na ang Pangulo ay tinitingnan ng AFP sa kayang kapasidad bilang Commander-In-Chief.