Promosyon ng Pilipinas bilang trading partner at investment market, pangunahing dahilan ni PBBM sa nakatakdang official visit sa Amerika

Pagtutuunan nang pansin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa official visit nito sa Washington D.C United States of America kung papaano ipo-promote ang Pilipinas para mahikayat na magnegosyo ang mga Amerikanong negosyante dito sa Pilipinas.

Ito ang inihayag ni Department of Foreign Affairs (DFA) Spokesperson Ambassador Teresita Daza sa pre departure briefing sa Malacañang.

Ang pangulo ay aalis sa bansa bukas (April 30) patungong Washington D.C. para sa kanyang limang araw na official visit na magtatagal nang limang araw o hanggang May 4.


Ayon kay Daza ang official visit ng pangulo sa Washington D.C ay patunay nang special relationship ng Pilipinas at Estados Unidos.

Sa katunayan aniya sa gagawing official visit nang pangulo magkikita at magkakausap muli sila ni United States President Joe Biden at magkakaroon rin ng expanded meeting ang pangulo sa mga key cabinet officials.

Inaasahan rin na makikipagpulong ang pangulo sa mga mambabatas ng Estados Unidos, mga malalaking US Companies at business groups.

Magdi-deliver naman ng major policy speech ang pangulo na gagawin rin Washington D.C.

Kasama rin sa schedule nang pangulo ang pakikipagkita sa Filipino community sa Amerika na umaabot na sa 4.4 million.

Facebook Comments