Propaganda hinggil sa umano’y pag-aresto sa mga aktibista sa Cavite, ibinuking ni presidential candidate Senador Lacson

Ibinulgar ni presidential candidate Senador Panfilo “Ping” Lacson ang propaganda ng ilang grupo na nagsasabi na may mga aktibista na naaresto sa Cavite matapos magbabala ang senador hinggil sa posibleng “infiltration” ng mga miyembro ng legal front ng Communist Party of the Philippines (CPP) sa kampanya ni Bise Presidente Leni Robredo.

Kinumpirma ni Lacson na ang naturang pag-aresto sa mga ito ay bunsod ng isang operasyon na pinangunahan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Pagbubunyag ni Lacson, na ang mga grupo na nag-isyu ng “alerts” ay ipinalabas na naaresto ang ilan sa mga aktibista dahil sa umano’y “red-tagging” sa kampanya ni Robredo sa Cavite nitong buwan.


Binigyang diin pa ni Senador Lacson na kahit kailan ay hindi siya naging sangkot sa red-tagging at nagbababala lamang siya sa lahat tungkol sa posibleng coalition government kasama ang CPP, New People’s Army (NPA) at National Democratic Front (NDF).

Ibinahagi rin ni Lacson na responsable ang rebelyon ng NPA sa 2,000 pagpatay sa mga sundalo at sibilyan, bilyon-bilyong piso na revolutionary taxes at pagkawasak ng maraming ari-arian ng mga tao na hindi sumasang-ayon sa kanilang kosa.

Dagdag pa ni Lacson na mayroon siyang sariling intel na nagkukumpirma na may mga miyembro ng CPP legal fronts na dumalo sa rally ni Robredo.

Natural din aniya para sa CPP na pabulaanan ang mga pahayag ng dati nitong miyembro na si Jeffrey “Ka Eric” Celiz.

Facebook Comments