Wala pang pinal na desisyon ang Department of Transportation (DOTr) kung pakikinggan ang panukala ng lokal na pamahalaan ng San Jose del Monte, Bulacan na pagbabago sa ruta ng itinatayong MRT-7.
Sa Kapihan sa Bagong Pilipinas, sinabi ni Transportation Assistant Sec. Jorgette Aquino na tatlo ang proposal na ito mula sa San Jose del Monte, DOTr at contractor na isinasailalim sa review ng ahensya.
Una nang nakipagpulong si San Jose del Monte Bulacan Mayor Arthur Robes kay Sec. Bautista para iparating ang sintemyento ng mga residente lalo na ang mga business owner at ibang mga stakeholder na maapektuhan sa rutang kasalukuyang tinatahak ng nabanggit na train system.
Ang huling dalawang station ng 14-station MRT-7 ang may kuwestyon sa tinatahak na ruta.
Sabi ni Asec. Aquino, nakatakda ang joint inspection ng DOTr, kontraktor na San Miguel Corporation at Local Government Unit (LGU) tungkol dito ngayong buwan ng Hunyo.
Sa public consultation na isinagawa ng mga stakeholder kasama ang mga residente ng San Jose del Monte City, pinangangambahan nila ang idudulot na traffic congestion at epekto sa pagdadala ng mga produkto kapag itinuloy ang tinatahak na ruta.
Gayunpaman, sabi ni Asec. Aquino na magiging operational na ang 12 station ng MRT-7 bago matapos ang 2025.
Ang MRT-7 ay 22-kilometrong train system na mayroong 14 na istasyon na magmumula sa North Avenue patungo ng San Jose del Monte City, Bulacan.