
Uumpisahan na ng Senate Committee on Finance na pag-aralan ang proposals ng mga ahensya ng gobyerno at ng mga senador sa 2026 National Budget.
Ayon kay Senate Committee on Finance Chairman Sherwin Gatchalian, ngayong tapos na sa committee level ang pagtalakay sa pambansang pondo ay sisilipin naman nila ang mga panukalang amyenda sa mga susunod na linggo o bago ang muling pagbabalik sesyon sa November 10.
Sinabi ni Gatchalian na pangunahing titingnan ng komite ang mga panukalang tapyas sa budget sa ilang ahensya tulad sa mga Government-Owned or Controlled Corporations in the Philippines (GOCC) na may sariling pondo at ang mga natuklasang red flags sa Department of Public Works and Highways (DPWH) sakaling hindi masuportahan ng mga dokumento.
Ilan naman sa mga nakita ni Gatchalian na “problematic” agency na dapat tapyasan ng budget ay ang P8 billion farm-to-market roads ng Department of Agriculture (DA) na wala rin sa master plan ng ahensya.
Pag-aaralan din ang mga tanggapan na may mababang utilization rate at ang posibleng pagdagdag sa pondo ng ilang ahensya tulad sa education subsidy ng Commission on Higher Education (CHED).
Sa pagbabalik-sesyon naman ay inaasahang maisasalang na sa plenary deliberation ang 2026 National Budget.









