Proposed ₱5.768-trillion 2024 national budget, aaprubahan ng Kamara bago ang session break sa Oktubre

Target ng Mababang Kapulungan na bago mag-break ang kanilang session sa Oktubre ay maaprubahan na nila sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang pambansang budget para sa susunod na taon na nagkakahalaga ng ₱5.768-trillion.

Pahayag ito ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa harap ng balita na planong isumite sa kanila ng Malacañang ang proposed 2024 national budget sa susunod na linggo o sa August 2.

Pangako ni Romualdez, oras na mapasakamay na nila ito ay agad nilang isasalang sa deliberasyon, konsiderasyon, at masusing pag-aaral.


Tiwala si Romualdez na ang 2024 budget ang magpapanatili sa pag-lago ng ating ekonomiya, magbibigay ng higit na kita, at mga trabaho para sa mamamayang Pilipino.

Diin ni Romualdez, mahalagang lehislasyon ang national budget dahil ito ang tutupad sa mga programa at proyekto ng pamahalaan.

Buo ang pag-asa ni Romualdez, makakatulong ito para mapabuti ang buhay ng taumbayan at maipagkaloob sa takdang panahon ang pangunahing social service, tulad sa sektor ng edukasyon, pangangalaga sa kalusugan, at imprastraktura.

Facebook Comments