Tiniyak ni Finance Committee Chairman Senator Sonny Angara na hindi hadlang ang online na paraan ng pagsasagawa ng pagdinig para mabusisi nilang mabuti ang panukalang pambansang budget para sa taong 2021.
Pahayag ito ni Angara makaraang maisumite na sa Senado ni Budget Secretary Wendel Avisado ang mga dokumento kaugnay sa mahigit ₱4.5 trillion na proposed 2021 national budget.
Ayon kay Angara, napatunayan nila sa mga isinagawang virtual hearings na mas naging mausisa pa at madetalye ang mga senador.
Diin pa ni Angara, sisikapin nilang ipasa ang 2021 budget sa takdang panahon o bago matapos ang kasalukuyang taon para makatugon sa kinakaharap nating COVID-19 pandemic.
Giit ni Angara, hihimayin nilang mabuti ang proposed budget para matiyak na makakatulong ito sa mga nagkakasakit, sa pagpapalakas ng ating health system at sa pagbangon ng ekonomiya mula sa epekto ng pandemya.