Nanawagan si Senator Risa Hontiveros sa Malacañang na amyendahan ang isinumite nitong 2022 budget proposal sa Kongreso na bigong maglaan ng sapat na pondo sa mga ‘essential item’ na makakatulong sa matagumpay na pagharap ng bansa sa pandemya.
Tinukoy ni Hontiveros ang kawalan ng pondo para sa mga benepisyo ng healthcare workers habang wala pang malinaw na pagkukunan ng pambili ng COVID-19 booster shots.
Hindi katanggap-tanggap para kay Hontiveros na hindi pinaglaanan ng kahit isang sentimo ang kapakanan ng mga healthcare workers na nangunguna sa laban ng bansa kontra COVID-19.
Giit ni Hontiveros, hindi pwedeng sa gitna ng mga bagong variant ng COVID-19 ay walang budget para sa benepisyo ng health workers, walang ayuda, walang nakalaan para sa booster shot ng bakuna na magbibigay-proteksyon laban sa nakamamatay na virus.
Kinuwestiyon din ni Hontiveros ang kakulangan ng pondo para sa mga bagong mahihirap na pamilya na karapat-dapat mapabilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Dismayado rin si Hontiveros na walang budget para sa service contracting na siyang inaasahang suporta ng operators at drivers sa Public Utility Vehicles (PUVs) na patuloy na nawawalan ng sapat na kita dahil sa pandemya.
Idinagdag ni Hontiveros na wala ring karagdagang budget para sa Commission on Elections (COMELEC) para gawing ligtas ang pagboto sa new normal.