Hinihintay na lamang ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang report ng bicameral, kaugnay sa 2024 proposed national budget na 5.768 trilyong piso.
Sa ambush interview sa pangulo sa event sa Muntinlupa, sinabi nitong posibleng ngayong araw o sa mga susunod na araw ay may report na ang senado at kongreso patungkol dito.
Pagtitiyak ng presidente, sa oras na makarating na sa kanyang tanggapan ang report at maisapinal ay agad niya itong pipirmahan.
Kumpiyansa naman ang pangulo, na wala nang magiging isyu o problema sa pagpasa ng panulakang 2024 national budget dahil dumaan na ito sa isang taong konsultasyon.
Kaya inaasahan ng pangulo, na bago ang Pasko ay maipapasa ang panukala.
Samantala, ngayong alas-2 ng hapon ay nakatakda ang biyahe ng Pangulong Marcos Jr. patungong Tokyo, Japan.
Ito ay para dumalo sa 50th anniversary ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) -Japan Commemorative Summit.
Inaasahang ala-1:45 ng hapon mamaya ay magbibigay ng departure statement ang pangulo bago umalis sakay ng Philippine Airlines 001.