Proposed 2026 national budget, naisumite na ng DBM sa House of Representatives

Naisumite na ng Department of Budget and Management (DBM) sa House of Representatives ang 2026 National Expenditure Program (NEP) na nagkakahalaga ng P6.793 trillion o katumbas ng 22% ng Gross Domestic Product.

Mas mataas ito ng 7.4 percent kumpara sa 2025 budget na nagkakahalaga ng P6.326 trillon.

Binigyang-diin ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na ang budget ay hindi pera ng politiko kundi pera ng mga Pilipinong nagbabayad ng buwis kaya titiyakin nila na ito ay gagastusin ng tama at pakikinabangan ng mamamayan.

Sinabi naman ni Budget Secretary Amenah Pangandaman, ito ay pinaghirapan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na personal na tumutok sa pagtalakay sa pangangailangan at plano ng bawat ahensya ng gobyerno.

Dagdag pa ni Pangandaman, ang panukalang budget para sa susunod na taon ay maingat na binalangkas ng economic team.

Muling nanguna ang Department of Education (DepEd) sa sampung pangunahing ahensya na may pinakamalaking pondo, kasunod ang Department of Health (DOH) na sinundan ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Inanunsyo ni Sec. Pangandaman na sa unang pagkakataon, ang budget allocation para sa sektor ng edukasyon ay nakatalima sa itinakdang UNESCO Education 2030 Framework kung saan ang pondong ilalaan ay katumbas 4 hanggang 6% ng GDP.

Facebook Comments