Naniniwala si Senador Panfilo Lacson na hindi sapat ang PHP200-billion na pondo para ayudahan ang mga pamilyang apektado ng COVID-19.
Ayon sa Senador, masasakop lang ng proposed supplemental budget ang ayuda para sa 16.5 milyong pamilya at 30% ng mga apektadong minimum wage earner sa loob ng dalawang buwan.
Kailangan aniyang maghanap ng ibang mapagkukunan ng pondo para mas marami ang maayudahan.
Isa aniya sa posibleng magamit ay ang PHP989-billion unused money mula sa 2019 budget.
Gayundin ang local revenues at Internal Revenue Allotment (IRA) ng mga LGU.
Dagdag pa ni Lacson, maaari ring amyendahan ng kongreso ang probisyon sa ilalim ng R.A. 10121 o ang Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010 para alisin ang probisyong nagsasantabi sa 5% ng estimated na kita ng mga lgu para i-convert na calamity fund.
Bukas, magsasagawa ng special session ang kongreso para bigyan ng kapangyarihan si pangulong Duterte na i-realign ang budget na pwedeng magamit sa paglaban kontra COVID-19.
Susubukan aniyang tapusin ng kongreso ang deliberasyon sa loob lang ng isang araw para na rin sa kaligtasan ng mga mambabatas at kanilang staff.