
Aminado si Iloilo Representative Lorenz Defensor na dismayado ang prosecution team sa desisyon ni Senate President Francis Chiz Escudero na iatras sa June 11 ang pagbasa sa Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Una itong itinakda sa June 2 habang June 3 naman sana ang panunumpa ng mga senador na tatayong judge sa impeachment trial.
Giit ni Defensor, mas mainam kung mas maagang maipiprisinta ng prosecution team at ng defense team ang kanilang mga ebidensya kaugnay sa impeachment case na kinakaharap ni Vice President Duterte.
Paliwanag ni Defensor, na miyembro ng prosecution panel, higit na makakabuti sa bansa kung mas maagang masisimulan at matatapos ang impeachment trial kay VP Sara.
Ayon kay Defensor, ito ay para magkaroon na ng closure ang taumbayan, gayundin ang ating ikalawang pangulo.









