Manila, Philippines – Hindi kumbinsido ang Court of Appeals na aktwal na napagkaitan ng kanyang kalayaan si Benhur Luy habang siya ay nananatili sa Bahay ni San Jose na isang retreat house sa Makati City.
Ito ang isa sa ipinunto ng CA sa desisyon nito na baligtarin ang hatol na guilty laban kay Janet Lim Napoles sa kasong serious illegal detention.
Batay sa mga nakalap na ebidensya, mismong si Benhur Luy pa ang humiling na mapasailalim sa spiritual retreat sa bahay ni San Jose.
Ito ay base na rin sa journal ni Luy na naglalaman ng kabuuan ng kanyang pananatili sa bahay ni San Jose at sa kanyang liham sa kanyang pamilya nuong February 21, 2013 na naglalahad ng mga ginagawa niya sa loob ng retreat house kagaya ng fasting o pag-aayuno at pagdarasal tuwing alas tres ng madaling araw.
Sa panahon na si Luy ay nananatili sa bahay ni San Jose, hindi rin naman niya naisip na tumakas at hindi rin nasabi sa iba ang kanyang sitwasyon.
Nakapagtataka anila na sa mga okasyon na nakakalabas ng retreat house si Luy, hindi rin siya humingi ng saklolo sa mga otoridad.
Ipinunto pa ng CA na nang gawin ang rescue operation kay Luy nuong March 2013, siya ay nagpumiglas na sumama sa mga miyembro ng NBI at sinabi pa na walang ginawang iligal laban sa kanya si Reynald Jojo Lim na kapatid ni Janet Napoles at isa rin sa mga akusado sa kaso.
Ito ay batay na rin sa testimonya ng mga security personnel ng Pacific Plaza sa Taguig kung saan may inookopuhang unit ang pamilya Napoles.
DZXL558