Proseso at rule sa pag-raffle ng pangalan ng mga partylist sa balota, pinaiimbestigahan ng Makabayan

Ipinasisilip ng Makabayan sa Kamara ang kasalukuyang proseso at alintuntunin ng pag-raffle ng pangalan ng mga kwalipikadong partylists para sa national at local elections.

Kung dati ay pre-allocated sa balota ang pangalan ng mga partylist kung saan simula sa numero 1 o letrang A ang pagkakasunud-sunod ng mga partylist names, ngayon ay ibinabase na lamang sa ini-raffle na numerong nakatalaga ang pagpili o pagboto sa mga partylist.

Sa kasalukuyang sistema sa ilalim ng Commission on Elections (COMELEC) Resolution 9467 ay inira-raffle ang ballot numbers para sa mga kandidato ng partylist election.


Sa House Resolution 1931 na inihain ng mga Makabayan congressmen ay inaatasan ang House Committee on Suffrage and Electoral Reforms na imbestigahan “in aid of legislation” ang proseso at kasalukuyang rule ng pag-raffle sa pangalan ng mga partylist.

Tinukoy ng Makabayan na disadvantageous ang paraan na ito sa lahat ng partylist candidates dahil nakabase na lamang sa numero at hindi na sa pangalan at plataporma ang pagboto sa grupo.

Ipinunto rin ng Makabayan bloc na dehado rito ang mga partylist na may kakaunting resources dahil mas makakapangampanya para sa kanilang numero sa balota ang mga mayayamang partylist na maraming pambayad ng airtime sa traditional at social media.

Facebook Comments