Wednesday, April 1, 2026

Proseso ng matukoy kung may probable cause ang impeachment complaints laban kay VP Duterte, inaasahang matatapos ngayong Abril

Sa tingin ni House Committee on Justice Vice Chairman at Bukidnon Rep. Jonathan Keith Flores, posibleng matapos na nila ngayong buwan ng Abril ang mga impeachment hearings para madetermina kung may probable cause ang ikatlo at ikaapat na impeaachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Flores, bagama’t itinakda ang mga pagdinig ng komite sa April 14, 22 at 29 ay maari itong mapa-ikli o mapabilis.

Sabi ni Flores, kapag nangyari ito ay makakapagprisinta na agad ang komite sa plenaryo ng report sa pagbabalik ng session mula sa Mayo 4.

Muli, binigyang diin ni Flores, na ang ginagawang pagdinig ngayon ng komite ay maikukumpara sa preliminary investigation at hindi maituturing na paglilitis.

Ito aniya ay para linawin ang mga isyu, suriin ang mga testigo at tukuyin kung alin sa mga alegasyon ang dapat isama sa articles of impeachment.

Facebook Comments