Proseso ng pag-aampon ng mga bata, pinadali na ayon sa DSWD

Kinumpirma ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na mula sa dating lima hanggang pitong taon ay nasa anim hanggang 9 na buwan na lamang ang itatagal ng proseso para sa Administrative Adoption o legal na pag-aampon sa bansa.

Ito ang inihayag ng DSWD- National Authority for Child Care o NACC kasunod ng naisapinal na Omnibus Guidelines para sa Republic Act 11642 o ang Domestic Administrative Adoption and Alternative Child Care Act.

Dahil dito ayon kay NACC Undersecretary Janella Ejercito Estrada, mula sa 5,053 na bilang ng mga kabataan na nasa 224 na Care Facilities ng DSWD, 1,227 ang naproseso ang dokumento at eligible na para sa domestic adoption.


Batay sa rekord ng DSWD-NACC noong 2022, aabot sa 657 na kabataan ang deklarado na for domestic adoption habang 92 naman ang naisyuhan na ng Certificate Declaring a Child Legally Available for Adoption.

Ngayong linggo ang pagdiriwang ng ikalawang Adoption and Alternative Child Care Week na naglalayong maitaas ang antas ng kaalaman ng publiko patungkol sa kahalagahan ng legal na proseso ng iba’t ibang uri ng adoption sa bansa.

Facebook Comments