Proseso ng pag-iisyu ng LTFRB ng prangkisa sa TNVS, pinapabusisi ni Senator Villanueva

Manila, Philippines – Sa pamamagitan ng paghahain ng Resolution No. 431 ay iginiit ni Senator Joel Villanueva sa senado ang pagsasagawa ng imbestigasyon ukol sa proseso ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB sa pagiisyu ng prangkisa sa Transport Network Vehicle Services o TNVS providers tulad ng Grab at Uber.

Ang hakbang Villanueva ay kasunod na rin ng memorandum circular na inilabas ng LTFRB noong July 21 na nagsusupende sa aplikasyon para makakuha ng permits to operate ang TNVS providers.

Maliban pa ito sa pagpapataw ng LTFRB ng 5-milyong pisong multa sa Uber at Grab dahil sa pagpapatuloy ng operasyon ng ilan nitong drivers kahit walang permit.


Tinukoy sa resolusyon ni Villanueva na ang nabannggit na hakbang ay ikinagalit ng publiko na tumatangkilik sa TNVS.

Target ng pagdinig na matukoy ang dahilan sa kabiguan ng TNVS na makakuha ng Certificate of Public Convenience o CPC mula sa LTFRB.

Aalamin din ang rason kung bakit biglang inihinto ng LTFRB ang pag-iisyu ng permit sa TNVS.

Ayon kay Villanueva, sa hearing ay papakinggan ang panig ng lahat ng stakeholders upang makapaglatag ng pinakamainam na solusyon.

Facebook Comments