Umaasa ang Commission on Human Rights (CHR) na makikipagtulungan ang Philippine National Police (PNP) sa ikinasang imbestigasyon kaugnay sa pagkakapatay sa siyam na aktibista sa Calabarzon noong linggo.
Sa interview ng RMN Manila kay CHR Spokesperson Atty. Jacqueline de Guia, sinabi nito na may affidavit na silang hawak mula sa mga testigo na nagsasabing hindi nanlaban ang siyam na aktibista na pinatay ng mga pulis.
Dito aniya se-sentro ang imbestigasyon ng CHR kung saan aalamin nila kung tama ang paghahain ng mga pulis ng search warrant laban sa mga nasawi.
Una nang iginiit ng PNP na nasunod ang operational procedures sa paghahain ng search warrant at “principle of self-preservation” ang nangyari sa operasyon sa Cavite, Laguna at Batangas.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni PNP Spokesperson Brigadier General Ildebrandi Usana na bukas at handa naman sila sa anumang imbestigasyon.
Sinasabi ng PNP na ang mga namatay sa operasyon ay “communist-terrorists” kung saan may narekober na mga baril sa mga ito.
Pero giit ng Bagong Alyansang Makabayan na ang mga nasawi ay mga “legal activist” at naniniwalang ang operasyon ay may kinalaman sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na patayin ang mga rebeldeng komunista.