Pinare-review ni Senator Raffy Tulfo ang proseso ng benefit claims sa Social Security System (SSS) ng mga retirado.
Sa Senate Resolution 544 na inihain ni Tulfo, pinaiimbestigahan ng senador ang mga reklamo sa mabagal at mahabang proseso sa pagkuha ng benepisyo partikular ang retirement claims.
Nakasaad sa resolusyon na napagpabigat sa mga retirado ang delay sa pagkuha ng kanilang benepisyo lalo’t marami sa mga ito ay umaasang makakadagdag tulong ito sa kanilang pang-araw-araw na gastusin.
Sa pagsisiyasat ay aalamin kung ano ang prosesong pinagdaraanan sa pagkuha ng retirement claims, dahilan ng delays sa pagpoproseso, mga hakbang na ginagawa ng SSS at mga repormang ilalatag para mas mapaghusay at maging epektibo ang pag-claim sa benefits.
Aalamin din ang pangangailangan sa dagdag na pondo at manpower ng SSS at pagtatatag ng monitoring system para sa tracking ng progreso ng claims at para mabigyan ng regular na update ang mga miyembro.