Umaasa si Committee on Public Services Chairman Senator Grace Poe na mapabibilis ang proseso ng pagmodernisa sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ngayong limang kompanya ang nagpahayag ng interes para isakatuparan ang modernisasyon ng paliparan.
Ayon kay Poe, umaasa siyang hudyat na ito para bigyan ng bagong mukha ang paliparan kung saan mas mabebenepisyuhan ang mga pasahero.
Kung tutuusin nga aniya ay masyado nang napag-iiwanan ang rehabilitasyon ng NAIA.
Sinabi ni Poe na ang mga nangyaring magkakasunod na aberya at isyu sa airport ay isang palatandaan na kinakailangan nang tugunan at bigyan ng agarang atensyon.
Sa gitna aniya ng muling pagdagsa ng mga paglalakbay, kinakailangang igiit ng Department of Transportation (DOTr) ang pagsusulong na masimulan na ang modernisasyon upang mabigyan ang mga Pinoy at foreign traveler ng isang world-class airport at tulungan ang paglago ng ekonomiya.