Proseso ng pagpapalaya sa mga PDLs, pinamamadali; BJMP, ipinagmalaki na mataas ang recovery rate ng mga PDLs na nagkasakit ng COVID-19

Umapela si Bayan Muna Rep. Ferdinand Gaite sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na madaliin ang proseso ng pagpapalaya sa mga qualified na Persons Deprived of Liberty (PDL) sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Ikinumpara ni Gaite ang maagang pagpapalaya kay US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton gayong ang mga PDLs na dapat matagal nang nakakalaya ay hindi pa rin nagagawan ng paraan.

Sa budget deliberation ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa Kamara, hiniling ni Gaite sa BJMP na madaliin ang proseso ng pagpapalaya sa mga PDLs nang sa gayon ay ma-decongest ang mga kulungan at maiwasan ang mabilis na hawaan at pagkalat ng COVID-19.


Sinabi naman ni BJMP Director Allan Iral na mataas ang recovery cases ng mga PDLs na nagkasakit ng COVID-19 kung saan 918 o 80% ng mga detainees ang gumaling na sa sakit.

Sa kasalukuyan ay aabot sa 1,151 na mga PDLs ang kumpirmadong nagkaroon ng coronavirus disease na may 175 COVID-19 active cases at 15 confirmed COVID-19 deaths.

Tiniyak naman ni Iral na ang mga PDLs na positibo sa virus ay nakahiwalay sa general population ng mga bilanggo.

Mayroon aniyang Ligtas-COVID19 Center sa NCR, Region 4-A, 3, 7 at 9 kung saan doon naka-isolate ang mga COVID-19 positive na PDLs.

Bukod dito, mayroon na rin aniyang bagong tayo na jail facility na nilagyan ng isolation area na maaaring paglagyan ng mga detainees na magpopositibo sa sakit.

Facebook Comments