Pinapadali at pinapasimplehan ni Finance Committee Chairman Senator Sonny Angara sa Department of Trade and Industry (DTI) ang proseso ng pagpapautang sa mga Micro, Small and Medium Enterprises o MSMEs na nagsisikap bumangon mula sa epekto ng pandemya.
Sa pagtalakay sa 2022 proposed budget ng DTI ay sinabi ni Angara na maraming requirements ang mga bangko na hindi kayang sundin ng mga maliliit na negosyo.
Mungkahi rin ni Angara na dapat mababang porsyento ng tubo ang ipatupad ng Small Business Corporation o SBCorp. sa mga maliliit na negosyante at mas simple lang ang requirements.
Nangako naman si Trade Secretary Ramon Lopez na tutugon sa suhestyon ni Angara para matulungan ang maliliit na negosyo lalo na ang mga nasa informal sector.
Sa ilalim ng COVID-19 Assistance to Restart Enterprises Program o CARES ng SBCorp., nasa P8 billion na ang nagamit mula sa Bayanihan 2.
Ang P4 billion dito ay sa sektor ng turismo at P4-B din sa MSMEs kung saan nasa 34, 926 ang natulungan ng DTI at P5.5-B na low interest rate ang inilabas.