Hiniling ni Trade and Industry Vice Chair at Las Piñas Rep. Camille Villar na gawing simple ng pamahalaan ang proseso ng pagpapautang sa Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs) sa bansa.
Sa pagdinig ng Trade and Industry Committee sa Kamara, sinabi ng kongresista na ngayon ay mas kailangan ng mga small local entrepreneurs ng suporta at tulong habang bumabangon sa naging epekto ng COVID-19 sa kanilang mga negosyo.
Umapela si Villar na bawasan ng Small Business (SB) Corporation ang mga documentary requirements na hinihingi sa mga MSMEs bago sila payagang makapag-loan.
Sa ganitong paraan ay mapapadali ang pag-a-apply ng mga negosyo sa loan at hindi na nila kakailanganing lumabas pa para maglakad ng mga hinihinging papel.
Humirit din ang mambabatas na magtalaga ng isang ‘point-person’ na pupunta sa kanilang mga opisina para ipakalat ang impormasyon tungkol sa programa ng pamahalaan para sa mga MSMEs at tulungan na maihabol ang loan application ng mga maliliit na negosyante sa mga distrito.
Tinukoy ng kongresista na 95% ng mga negosyo sa bansa ay MSMEs na lubusang naapektuhan ng community quarantine kaya kinakailangan na madaliin na rin ng gobyerno ang pagpapaabot ng tulong sa sektor na ito.