Proseso ng pagpapauwi sa bansa ni dating Negros Oriental Rep. Teves, isinasapinal na ng pamahalaan –DOJ

Bilang na lang ang araw ng pamamalagi sa Timor Leste ni dating Negros Oriental Rep. Arnulfo Teves Jr., matapos ibasura ng korte roon ang kanyang apela laban sa hatol sa extradition case.

Ayon kay Department of Justice o DOJ Spokesperson Mico Clavano, inaayos na ng kanilang hanay ang mga dapat gawin para sa “extraction operation” sa dating kongresista.

Kaugnay nito, pinalagan ni Clavano ang akusasyon ng abogado ni Teves na si Atty. Ferdinand Topacio, matapos tawaging “fake news” ang balita ng DOJ hinggil sa pagkakabasura sa mosyon ng kanyang kliyente.


Sinabi ni Clavano, wala pang pinal na petsa ng pag-uwi sa bansa ni Teves kung saan maglalabas na lamang sila ng detalye sabay sabing hindi niya kilala si Topacio.

Matatandaang ibinasura ng Prosecutor General ng Timor Leste ang mosyon ni Teves na humihiling na baligtarin ang naunang desisyon ng Court of Appeals doon na nagpapahintulot ng kanyang extradition pabalik ng Pilipinas.

Hiniling ng pamahalaang Pilipinas ang extradition ni Teves dahil sa pagiging suspek nito sa pagpatay kay dating Gov. Roel Degamo at iba pa.

Facebook Comments