Manila, Philippines – Para kay Senator Gringo Honasan hindi dapat madaliin ang proseso ng pagdinig sa confirmation ng appointment ni DAR Secretary Rafael Ka Paeng Mariano.
Ito ang dahilan kaya inihan ni Senator Honasan ang motion na magkaroon muli ng confirmation hearing para kay Mariano sa susunod na linggo para pakinggan ang siyam pa sa sampung oppositors ni Mariano.
Ang nasabing motion ni Honasan ay agad naman sinang-ayunan ni CA committee on Agrarian Reform Program Senator Tito Sotto III.
Sang-ayon si Senator Sotto na kailangang dinggin ang panig ng lahat ng mga oppositors o mga tumututol sa confirmation ni Mariano.
Okay naman para kay Secretary Mariano na magkaroon pa ng dagdag na confirmation hearing para sa kanya upang masagot niya ang tanong ng mga miyembro ng CA at mga isyung ibinabato ng kanyang mga oppositors.
Sabi naman ni Mariano, wala siyang kaba sa muling pagsalang sa confirmation hearing sa darating na Martes dahil ginagampanan naman niyang mabuti ang tungkulin na ipinagkatiwala sa kanya ni Pangulong Rodrigo Duterte.