Inilatag ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang proseso sa kung paano maaaring mag-apply bilang contact tracer sa ilalim ng emergency employment program.
Ang DOLE ay magha-hire ng contact tracers sa pamamagitan ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program.
Ayon kay DOLE Bureau of Workers with Special Concerns (BWSC) Director Maria Karina Trayvilla, ang application ay bukas sa lahat ng informal sector workers na apektado ng pagpapatupad ng mahigpit na lockdown.
Nasa 5,000 ang ire-recruit sa Metro Manila.
Ang application period ay magsisimula sa April 17 hanggang 22 at ipoproseso ito ng Public Employment Service Office (PESO) ng mga local government units (LGUs) sa Metro Manila.
Ang mga abiso para sa hiring ay idadaan sa pamamagitan ng website at social media pages ng DOLE, Department of Interior and Local Government (DILG) at Metro Manila Development Authority (MMDA).
Nasa ₱16,000 kada buwan ang matatanggap nilang sahod sa loob ng tatlong buwan – alinsunod sa minimum wage sa NCR.
Bukod sa displaced informal sector worker, ang aplikante ay dapat high school graduate na may basic knowledge sa computer at phone, at interview skills.
Nasa apat na oras kada araw lamang ang trabaho ng contact tracers.
Ide-deploy ang mga contact tracers sa kanilang lokalidad.
Tiniyak din ng DOLE na sasailalim sila sa training bago isabak sa kanilang trabaho.