Proseso sa pagbili ng bakuna, dapat ipaliwanag sa publiko

Nanawagan si Committee on Health Chairman Senator Christopher “Bong” Go sa mga health officials sa pangunguna ni Health Secretary Francisco Duque III na ipaliwanag sa taumbayan ang proseso ng pagbili ng bakuna kontra COVID-19.

Kasunod ito ng paninisi kay Duque dahil sa naantalang kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at ng Pfizer Pharmaceutical company na sinasabing magsusuplay sana ng milyon-milyong bakuna sa bansa.

Kaugnay nito, nanawagan si Go na sana ay iwasan na ang turuan at sisihan dahil hindi maganda na ang mga magkakasama sa gabinete ng Pangulo mismo ang nagbabangayan dahil hindi ito nakakatulong sa problemang kinakaharap ng bansa.


Iginiit ni Go na ang kailangan ngayon ng taumbayan ay ang mabilis na safe at epektibong bakuna kontra COVID-19 upang makabalik na sa normal na pamumuhay.

Nilinaw naman ni Go na hindi lang pagbili ng bakuna ang kailangan ikonsidera at sa halip ay dapat ding isaalang-alang kung paanong makakarating sa bansa ang mga bakuna, storage, kung saan kukunin ang pambili at paano itong maituturok sa mamamayan nang hindi nag-aalinlangan.

Ipinaliwanag din ni Go na base sa napagkasunduan ay si Vaccine Czar Carlito Galvez Jr. lang ang mamamahala sa mga negosasyon sa mga vaccine supplier kung saan siya lamang ang mananagot sa Pangulo kapag nagkaroon ng mga kapalpakan.

Sa huli ay umapela si Go sa publiko na suportahan ang mga health officials lalo pa at hindi biro ang pinagdadaanan ng mga ito na responsibilidad.

Facebook Comments