Matapos na bigyan ng absolute pardon ni Pangulong Rodrigo Duterte, minamadali na ng kampo ni US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton ang paglabas nito sa bilangguan.
Ayon sa abugado ni Pemberton na si Atty. Rowena Garcia-Flores, nakikipag-ugnayan na sila sa National Bureau of Investigation at Bureau of Immigration para sa proseso ng pag-release sa US marine sa Camp Aguinaldo upang hindi pagkaguluhan ng media.
Tiniyak din ni Flores na susunod sila sa mga kinakailangang requirements at dadaan sa tamang proseso ang paglabas ni Pemberto.
Kasunod ng mga espekulasyong may special treatment kay Pemberto habang siya ay nakakulong, itinanggi ni Flores na may espesyal na pagtrato sa kanyang kliyente kung saan nasa loob lang aniya ito ng kulungan at ang bumibisita lang dito ay tanging ang kanyang ina at mga abugado.
Si Pemberton ay na-convict ng homicide matapos na patayin ang Pinay transwoman na si Jennifer Laude noong 2014.
Kasabay nito, sinabi ni Flores na pinagsisihan na ni Pemberton ang nagawa kay Jennifer kung saan personal aniya itong sumulat ng letter of apology para sa pamilya Laude.