Hiniling ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga sa Senado na baguhin ang kabuuan at membership na bumubuo sa Protected Area Management Board (PAMB).
Sa pagdinig ng Senado patungkol sa mga iligal na istrukturang itinayo sa Chocolate Hills, inihayag ni Yulo-Loyzaga na ang barangay officials na karamihan sa bumubuo ng PAMB ang nag-apruba sa resolusyon na pumapayag na maitayo ang isang resort sa paanan ng burol.
Sinabi ng kalihim na pinangingibabawan ang PAMB ng lokal na interest kahit pa tumatayong chairman ng board ang DENR.
Kahit kasi aniya kasapi at Chairperson ng PAMB ang DENR, wala namang kapangyarihan na bumoto ang kinatawan ng ahensya sa mga ipinapasang resolusyon ng PAMB.
Agad namang sinang-ayunan ni Senate Committee on Environment, Natural Resources and Climate Change Chairperson Cynthia Villar ang mungkahi na baguhin ang kabuuan ng PAMB at bigyan ng higit na kapangyarihan ang mga tunay na nakakaunawa sa mga isyu.