Protective custody ng Kamara kay Pharmally Executive Krizle Grace Mago, tatagal ng dalawang buwan

Tiniyak ng Kamara na poprotektahan si Pharmally Executive Krizle Grace Mago kahit pa matapos na ang pagdinig tungkol sa kontrobersyal na pagbili ng pamahalaan ng medical supplies at equipment sa Pharmally Pharmaceutical Corporation.

Ayon kay Committee on Good Government and Public Accountability Chairman Michael Edgar Aglipay, ang Kamara ay “House of the People” kaya sinumang hihingi ng kanilang proteksyon ay handa nilang ibigay.

Tiniyak pa ni Aglipay sa panel na pagkatapos ng pagdinig ngayong araw ay malayang makakapanatili sa loob ng Batasan Complex ang Pharmally Executive na tatagal ng dalawang buwan.


Matatandaang kusang loob na nagtungo sa Kamara si Mago para maisailalim sa kustodiya ng Mababang Kapulungan bunsod na rin ng takot at pressure na naranasan nito sa pagharap sa pagdinig naman ng Senado.

Hiningi ni Mago ang protective custody ng Kamara dahil ang kanyang mga personal na impormasyon tulad ng cellphone number at address ng bahay ay naisiwalat kung saan nakararanas na siya ng harassment.

Nahirapan din aniya siya dahil sa mga panahong hindi nagpapakita ay nagpositibo rin siya sa COVID-19 kung kaya’t doble ang dagok at nakaapekto na ang isyu sa kanyang kalusugan.

Ngayong araw ay tinapos na ng komite ang pagdinig kung saan lumalabas sa takbo ng imbestigasyon na walang nilabag ang pamahalaan sa pagbili sa Pharmally salig na rin sa Bayanihan 1, walang overpricing sa mga biniling face shields at face masks gayundin ay walang panloloko na ginawa ang kompanya sa pamahalaan.

Facebook Comments