Iniutos ni Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel na palawigin pa ang Protein-Enriched Copra Meal (PECM) commercialization project sa Western Visayas.
Ito’y para palakasin ang livestock production sa pamamagitan ng pagpapanatili ng mura at alternatibong pagkukunan ng protina para sa mga hayop.
Ayon kay Agriculture Sec. Laurel na ang pagpapalawig ng proyekto nito sa Western Visayas ay inaasahang mapakikinabangan ng mga lokal na magsasaka at mga gumagawa ng feeds sa rehiyon na nahihirapan sa tumataas na presyo ng tradisyunal na sangkap ng feeds.
Ang PECM ay isang inisyatibo noong 2022 na nagbunga dahil sa pagkakaantala ng mga supply dulot ng COVID-19 at nagpapatuloy na giyera ng Russia at Ukraine.
Sa halip na soybean ang isang pangunahing sangkap ng feeds, copra meal ang ginamit sa pamamagitan naman ng fermentation process.
Unang inihalo ito sa pagkain ng finfish at hipon kung saan nagresulta ito sa kabawasan sa gastos na umabot sa 3.9% at 0.4% kumpara sa karaniwang commercial feeds.
Ang proyektong ito ay kolaborasyon ng DA, Department of Science and Technology – Philippine Council for Agriculture, Aquatic, and Natural Resources Research and Natural Resource Research and Development (PCAARRD), University of the Philippines Los Baños (UPLB), at iba’t ibang asosasyon at kooperatiba ng mga magsasaka.