Proteksiyon ng gobyerno sa mga mangingisdang Pilipino, tiniyak ng liderato ng Kamara

Pinawi ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang pangamba ng mga mangingisdang Pilipino kaugnay sa banta ng China na ikulong ang mga trespasser sa inaangkin nitong bahagi ng West Philippine Sea (WPS) sa loob ng 60 araw ng walang paglilitis.

Ayon kay Romualdez, sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ay patuloy na po-proteksyunan ng gobyerno ang mga mangingisdang Pilipino laban sa pambu-bully ng China.

Pahayag ito ni Romualdez kaugnay sa selebrasyon ng National Fisherfolk Day at kasabay din ng pahayag ng spokesperson ng Chinese foreign ministry na walang dapat na ikabahala ang Pilipinas sa detention threat ng China.


Sinabi din ni Romualdez na dapat ay ihinto na ng China ang pagbabanta na ikukulong nito ang mga Pilipino na mangingisda sa loob ng ating exclusive economic zone (EEZ).

Diin ni Romualdez, gagawin ni Pangulong Marcos ang lahat upang maproteksyunan ang mga mangingisda sa loob ng EEZ ng bansa kasama ang Bajo de Masinloc na malapit sa Zambales at Pangasinan.

Facebook Comments