Itinakda sa Lunes ang pagdinig sa panukalang magbibigay proteksyon at benepisyo sa mga caregivers.
Sa Senate Bill 1440 o “Caregivers Welfare Act” na inihain ni Senator Jinggoy Estrada, isinusulong na matiyak ang pagbibigay proteksyon sa mga caregivers laban sa lahat ng uri ng karahasan at pang-aabuso gayundin ang pagkakaloob sa mga ito ng nararapat na benepisyo.
Tinukoy ni Estrada na kadalasan ang mga caregivers ay hindi nabibigyan ng sapat na sahod at pinagtatrabaho ng sobra-sobra sa oras.
Sa ilalim ng isinusulong na panukala ay gagawing malinaw ang mga paghahanda sa employment contracts, sahod, leaves, mga benepisyo, proteksyon laban sa hindi makatarungang pagtanggal sa trabaho at mga natanggap sa pamamagitan ng private employment agencies, tungkulin ng mga caregivers at iba pa.
Nakasaad sa panukala na dapat nasa walong oras ang bawat shift sa trabaho ng mga caregivers, may overtime pay para sa dagdag na oras ng trabaho, nasa minimum wage ang sahod, at limang araw na taunang annual service incentive leave.
Mapagkakalooban din ang mga caregivers sa Social Security System (SSS), Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), PAGIBIG at iba pang benepisyo na salig sa batas.