Proteksyon at kapakanan ng mga OFW, isusulong ng liderato ng Kamara sa ASEAN Parliamentary Forum

Tiniyak ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez na kanyang ilalatag ang mga isyung nakakaapekto sa mga Overseas Filipino Workers (OFW) sa ASEAN Inter-Parliamentary Assembly na gaganapin ngayong araw sa Indonesia.

Sa kanyang pagharap sa Filipino community sa Jakarta ay nangako si Speaker Romualdez na kanyang isusulong ang proteksyon at kapakanan ng mga OFWs.

Diin ni Romualdez, prayoridad ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang kaligtasan, kagalingan, at proteksyon ng mga OFWs na nagsasakripisyo at tumutulong sa pag-angat ng ekonomiya ng bansa.


Kinilala din ni Romualdez ang mahalagang papel na ginagampanan ng mga Pilipino sa Indonesia na nagtatrabaho doon bilang mga guro, executive ng kompanya, consultant ng mga negosyo, enhinyero, accountant, abugado, at mamumuhunan.

Bukod dito ay plano din ni Romualdez na talakayin sa mga kapwa niya mambabatas mula sa mga bansa sa ASEAN at BIMP-EAGA ang mga batas na kailangan nilang ipasa para mapalakas ang ekonomiya na magbibigay ng mas maraming trabaho.

Facebook Comments