Manila, Philippines – Tinitiyak ng Kamara na hindi na basta makakatanggap ang mga subscribers ng mga unsolicited calls at texts matapos na ipasa sa ikalawang pagbasa ang House Bill 7321.
Ang nasabing panukala ay inaasahang aaprubahan na sa ikatlong pagbasa sa muling pagbalik sesyon sa Mayo.
Nakasaad sa panukalang ini-akda ni Cavite Rep. Francis Gerald Abaya na maaaring magpalista ang subscriber ng mga numero na ayaw niyang makatanggap ng mga tawag o texts dito.
Layunin nito na bigyang proteksyon ang mga cellphone subscribers at magpataw ng parusa sa mga lalabag dito.
Maging ang mga numero mula sa mga advertisement na madalas nagpapadala ng sunud-sunod na texts ay kasama rin sa no call at no text register.
Sa ilalim ng panukala ipagbabawal na ang pagpapadala ng ads at push messages maliban na lamang kung pumayag ang subscriber.
Kung sakaling maging ganap na ito batas, mahaharap sa multang P50,000 hanggang P100,000 pesos ang sinumang indibidwal o kumpanyang lalabag dito para sa bawat unsolicited call o text.