Tinututukan sa Urbiztondo, Pangasinan ang pagpapalakas ng proteksyon para sa mga kababaihan at bata sa pamamagitan ng isinagawang seminar hinggil sa Anti-Violence Against Women and Their Children (RA 9262).
Dinaluhan ang aktibidad ng mga ina na miyembro ng 4Ps, katuwang ang PNP Urbiztondo sa pamamagitan ng Women and Children Protection Desk (WCPD).
Layon ng aktibidad na palakasin ang kaalaman ng komunidad upang matiyak ang mas ligtas at suportadong kapaligiran para sa mga kababaihan at kabataan.
Tinalakay sa seminar ang mahahalagang probisyon ng batas, mga karapatan ng kababaihan at kabataan, at mga hakbang upang maiwasan at matugunan ang anumang uri ng karahasan.
Ang programa ay nakahanay sa 18-Day Campaign to End Violence Against Women na gaganapin mula Nobyembre 25 hanggang Disyembre 12, 2025.








